Maghihintay pa ba o move na?


Dear Dr. Love, — Pilipino Star Ngayon

September 9, 2025 | 12:00am

Dear Dr. Love,

Ako po si Marvie. Nais ko po humingi ng payo sa sitwasyon ko ngayon.

May girlfriend ako na nangako noon na babalik siya sa Pilipinas para tuparin ang mga plano namin.

Pinanghawakan ko po iyon at buong pusong naghintay. Pero ngayon, nalaman ko na hindi na pala siya uuwi, at parang unti-unti na ring nagbabago ang kanyang damdamin.

Pakiramdam ko ay iniwan akong nakabitin sa mga pangako at umaasa pa rin ako kahit nasasaktan na.

Hindi ko alam kung dapat pa ba akong maghintay o matuto nang mag-move on.

Ano po ang dapat kong gawin, Dr. Love?

Marvie

Dear Marvie,

Masakit ang mabigo sa pangako lalo na kung buong puso mo itong pinaniwalaan. Pero tandaan mo, hindi ka dapat mabuhay sa “baka sakali” kung malinaw na ang sagot.

Kung hindi na siya babalik, tanungin mo ang sarili mo: hanggang kailan mo papahirapan ang puso mo sa paghihintay?

Ang tunay na pag-ibig ay hindi lang sa salita nasusukat kundi sa gawa at katapatan. Kung mahal ka niya, gagawa siya ng paraan, hindi ng dahilan. Panahon na para igalang mo ang sarili mo at buksan muli ang puso mo sa mga posibilidad.

Huwag mong ikulong ang sarili mo sa pangakong hindi natupad — kasi baka may taong handang tuparin ang mga pa-ngarap mo rito, hindi sa malayo.

Hangad ko ang kapanatagan ng iyong puso.

DR. LOVE