Magkaangkas utas sa pamamaril sa Laguna


CAVITE, Philippines — Dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo ang patay matapos pagbabarilin ng mga ‘di nakilalang suspek habang bumabagtas sa kahabaan ng San Luis Avenue sa Bay, Laguna, kamakalawa.

Inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga nasawi na tinatayang kapwa nasa edad na 20-30.

Ang isa sa biktima ay nakasuot ng gray hoodie jacket na itim at nakapu­ting shorts habang ang angkas nito ay nakasuot ng gray t-shirt, pulang jacket at itim na shorts. May hawak din umano silang handgun revolver na may holster.

Sa ulat ng pulisya, alas-11:55 ng gabi habang binabagtas ng mga biktima lulan ng MC Suzuki Raider ang nasabing lugar nang bigla silang pagbabarilin ng mga ‘di nakilalang salarin.

Malamang umanong nagtangka pang lumaban ang mga biktima hinggil sa may mga hawak din silang maiksing baril nang matagpuang duguan at nakabulagta na katabi ng kanilang motorsiklo.

Narekober ng pulisya sa lugar ang isang handgun revolver, dalawang fired cartridge ng .45 caliber at isang motorsiklo ng mga biktima.