NASA 233 na bata mula sa isang kindergarten sa Tianshui, China ang nalason matapos lagyan ng pintura ang kanilang pagkain sa school!
Ayon sa imbestigasyon, ang principal ng Heshi Peixin Kindergarten at ilan pang staff ay gumamit ng pintura bilang pampakulay sa pagkain ng mga bata tulad ng steamed cake at sausage corn roll.
Ginawa raw ito ng paaralan para mas maging masarap tingnan ang pagkain. Umaasa rin sila na mas marami ang mag-e-enroll sa kanilang paaralan dahil dito.
Sa isang lab test, nabatid na lumampas sa national food safety standard limit ang lead content ng mga sample na pagkain.
Dahil dito, dinala sa ospital ang mga bata para gamutin at obserbahan. Marami sa kanila ay nagreklamo ng pananakit ng tiyan, panghihina, at kawalan ng gana.
Ayon sa mga magulang, ilang buwan na ring nagkakaroon ng kakaibang sintomas ang kanilang mga anak, pero ngayon lang nalaman ang totoong dahilan.
Inaresto ang principal at pitong iba pa na sangkot sa insidente. Ayon sa pulisya, binili sa online ang pintura kahit malinaw na may label ito na hindi ito puwedeng ilagay sa pagkain.
Nangako ang lokal na pamahalaan na paiigtingin ang pagbabantay sa kaligtasan ng pagkain sa mga paaralan para hindi na ito maulit.
Nanawagan din ang mga magulang ng mas malinaw na paliwanag at hustisya para sa kanilang mga anak.