December 1, 2025 | 12:00am
ISANG lalaki sa Heilongjiang Province sa China ang nagulat nang madiskubreng ang sanhi ng kakaibang tunog at sira sa kanyang sasakyan ay ang kilo-kilong hazelnuts na nakasiksik sa makina nito at sa iba pang bahagi ng sasakyan.
Ayon kay Mr. Wang, matagal na siyang nakakarinig ng kalampag mula sa ilalim ng hood ng kanyang kotse pero hindi niya ito pinapansin.
Nitong November 20 lamang siya nagdesisyong patingnan ito sa talyer nang tuluyan nang masira ang heating system ng sasakyan.
Nagulat ang mekaniko nang makita ang sandamakmak na hazelnuts na nasa makina ng sasakyan. Mayroon din sa ilalim ng windshield, hood, air vents, at maging sa cabin filter.
Inabot ng mahigit dalawang oras bago natanggal ang lahat ng hazelnuts. Umabot sa 18 kilong hazelnuts ang nakuha sa sasakyan.
Hinala ni Wang, mga daga ang may kagagawan nito dahil nakaparada ang kanyang sasakyan sa garahe kung saan may nakatagong sako ng hazelnuts.
Natuklasan niyang kalahati na ng sako ang naitago ng mga daga sa loob ng kanyang SUV.