Malalang krisis Pambansa kung matuyo ang Malampaya


SAPOL — Jarius Bondoc — Pilipino Star Ngayon

November 24, 2025 | 12:00am

GALING sa Malampaya gas fields ang 40 percent ng kuryente­ sa Luzon. Pero natutuyo na raw ang Malampaya. Walang ak­tuwal na seismic report. Ang patunay lang ay ang pababang produksiyon ng gas.

Nagsimula ang Malampaya nu’ng 2004. Kasagsagan ng produksiyon nu’ng 2019. Pinakamababa nu’ng 2022-2024, anang Department of Energy. Babagsak pa lalo sa 2025-2026. Ubos na sa 2027.

Kaya nagdi-drill ngayon ang Prime Energy Consortium sa Camago, Malampaya East, at Bagong Pag-asa. Sana merong matagpuang gas. Kung wala, krisis ang sasapitin.

Isipin na lang kung mawala ang 40 percent ng kuryente sa Luzon. Magkaka-blackout nang tig-12 oras araw-araw. Walang opisina, pabrika, tindahan, ospital, eskuwela, palengke, sinehan, restoran, simbahan.

Paralisado ang tren, airports, at pier. Hindi maaasikaso ng gobyerno ang kalusugan, kaayusan, paglilisensiya, at iba pang serbisyo.

Wasak ang kalakalan, negosyo, hanapbuhay. Bagsak ang kita ng mga kompanya, pamilya, indibidwal. Lalaganap ang karalitaan.

Para maibsan ang krisis, kakailanganing idulot sa Luzon ang kuryente ng Visayas. Kaya pati sila ay madadamay. Kakapusin din sila ng kuryente para sa kabahayan, kalakalan, at gobyerno doon.

Pinaplanong solusyon ay mga higanteng diesel generators at liquified natural gas powerplants. Pero mahal ang krudo dahil sa maraming giyera sa Middle East at Russia. Ayaw ng Amerika magbenta ng sariling langis sa iba. At masyadong mahal ang LNG. Kasi galing pa sa Qatar at Baltic Sea.

Mas madali at murang solusyon kung minahin ang pet­rolyo sa Recto Bank. Malapit ito sa Palawan, sa loob ng 200-milya exclusive economic zone ng bansa. Pero may problema… (Itutuloy bukas)

***

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)