MANILA, Philippines — Tuluyan nang tinalikdan at isinuko ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang Maltese passport nito.
Ito ang paliwanag ni Defense Spokesman Arsenio Andolong matapos lumutang ang isyu ng pagtataglay ng Maltese passport ng Kalihim.
Sa lumabas na report, si Teodoro ay naisyuhan ng passport sa Malta na may 10 taong bisa noong 2016 na nangangahulugan umano na isa itong dual citizen ng Pilipinas at ng European country.
Ayon kay Andolong, wala nang hawak na Maltese passport si Teodoro dahil isinurender na nito at nag-renounce na rin o tuluyang tinalikdan ng Kalihim matapos itong maghain ng Certificate of Candidacy noong 2021 para sa kaniyang kandidatura noong 2022 kung saan kumandidato siyang senador sa ilalim ng Team Unity.
“Its existence was disclosed to the Bureau of Immigration and Comelec prior to the 2022 elections, as well as to the Committee on Appointments prior to their confirmation of his appointment as Defense Secretary,” ayon kay Andolong.
Sinabi ni Andolong na malinaw kay Teodoro ang nasabing tsismis at kinuwestiyon ang timing ng pagpapakalat ng artikulo na nakadagdag sa motibo sa naturang isyu.
Ipinakalat ang isyu ng Maltese passport ni Teodoro kasabay ng paggunita sa ika-9 taong anibersaryo ng pagwawagi ng Pilipinas sa Arbitral ruling laban sa claim ng China sa 9-dash line sa West Philippine Sea (WPS).
Bagaman hindi direktang tinuran ng opisyal na ang China ang kanilang pinaghihinalaan ay naging bokal ang ilang opisyal ng pamahalaan sa pagsasabing ang mga opisyal ng nasabing bansa ang nasa likod ng misimpormasyon at fake news sa WPS.