MALOLOS CITY, BULACAN, Philippines — Nakuha ni Senatoriable Manny Pacquiao ang karagdagang lakas sa kanyang pagbabalik sa Senado ngayong 2025 matapos ipahayag nina Gobernador Daniel Fernando at Bise Gobernador Alex Castro ang kanilang pormal na suporta sa isang pagpupulong sa Malolos. Nangako ang political bloc ni Fernando na hihikayatin ang mga lokal na lider at mga Bulakenyo na suportahan si Pacquiao, dahil sa kanyang makamasang mga polisiya at bisyon para sa kaunlaran ng lalawigan.
Tinalakay nina Pacquiao at Vice Gov. Alex Castro ang mga pangunahing suliranin sa lalawigan tulad ng pagbaha, isyu ng serbisyo ng tubig, at ang pangangailangan para sa mas matibay na paghahanda sa sakuna at imprastraktura.
“Ako po ay taos-pusong nagpapasalamat sa tiwala nina Gov. Fernando at Vice Gov. Castro. Malaki po ang potensyal ng Bulacan. Kailangan lang po natin ng sapat na suporta mula sa gobyerno para tuluyang umangat ang buhay ng bawat Bulakenyo,” ani Pacquiao.
Mariing iginiit ni Pacquiao ang kanyang posisyon laban sa matagal nang isyu ng pribatisasyon ng mga pangunahing serbisyo tulad ng tubig.
“Matagal ko nang tinutulan ang privatization ng mga pangunahing serbisyo tulad ng tubig. Bakit natin ipapasa sa pribadong sektor ang isang bagay na dapat ay direktang ibinibigay ng gobyerno para sa tao? Dapat tiyakin ng gobyerno ang pagbibigay ng maayos at abot-kayang tubig sa bawat Pilipino,” pahayag ni Pacquiao.
Dagdag pa niya, kailangan na ang matagal nang inaasam na reporma.
“Noon ko pa isinusulong ang pagtatatag ng Department of Water Resources na siyang mangangasiwa sa lahat ng ahensya na may kinalaman sa patubig. Sa ganitong paraan, magkakaroon tayo ng malinaw na pamantayan at mas mahigpit na regulasyon para mapanagot ang mga kumpanyang lumalabag sa kasunduan sa gobyerno.”
Binigyang-diin ni Pacquiao ang pangangailangang mamuhunan sa modernisasyon ng mga imprastrakturang kontra sa pagbaha.
Nangako rin siyang susuportahan ang pagtatayo ng mga elevated coastal highways na mag-uugnay sa Central Luzon at Metro Manila, na makakatulong para mapaluwag ang trapiko at pagpapalago ng Regional Economy.
Inilahad din ni Pacquiao ang kanyang pananaw sa pagdadala ng pag-unlad sa mga probinsiya.
“Reverse migration—huwag tayong mag-focus lang sa Metro Manila. Kailangan nating paluwagin ang Metro Manila para mas mapa-unlad ito. Dalhin natin ang pag-unlad sa kanayunan. Magpatayo tayo ng mga tahanan para sa mga hindi kayang bumili, bigyan ng kabuhayan, at turuan kung paano magpatakbo ng negosyo,” ani Pacquiao.
Pinuri din niya ang kontribusyon ng mga MSMEs sa Bulacan at nanawagan para sa mas malakas na suporta mula sa gobyerno.
Ang Bulacan ang may pinakamalaking ekonomiya sa Gitnang Luzon, na may kontribusyong 27.2% sa Gross Regional Domestic Product (GRDP) ng rehiyon na tinatayang nasa ?631.64 bilyon.
