Mas maraming aircraft idineploy ng BFAR sa West Philippine Sea


Mer Layson — Pilipino Star Ngayon

February 22, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nagdeploy ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng mas maraming aircraft sa West Philippine Sea (WPS) kasunod na rin ng itinuturing nilang pinakamapanganib na aksiyon ng Chinese military sa Bajo de Masinloc kamakailan.

Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for WPS Commodore Jay Tarriela, kamakalawa ng umaga ay nagsagawa sila ng maritime domain awareness (MDA) flight sa Kalayaan Island Group (KIG) bilang tugon sa agresibong pagmaniobra ng People’s Liberation Army Navy (PLAN).

“The MDA flight was executed using two BFAR aircraft, departing from Puerto Princesa.”

Sa naturang operasyon, naispatan umano ng aircraft ang isang China Coast Guard (CCG) vessel na may bow number 5101 at mahigit 50 Chinese maritime militia vessels sa Pagasa Island, gayundin ang anim na Chinese maritime militia vessels sa Rozul Reef.

Tiniyak naman ni Tarriela na patuloy na hinahamon ng BFAR aircraft ang ilegal na presensiya ng mga Chinese vessels at idinukomento ang kanilang unlawful activities.

Noong Martes, iniulat ng PCG na isang helicopter ng PLAN na may tail number 68 ang lumapit sa aircraft ng BFAR, ng hanggang tatlong metro lamang, sa isang MDA flight sa Bajo de Masinloc.

Ani Tarriela, ito na ang itinuturing nilang pinakadelikadong aksiyon ng Chinese military laban sa Pilipinas.