May gamot pa ba ang mala-cancer na korapsiyon sa Pilipinas?


ORA MISMO — Butch M. Quejada — Pilipino Star Ngayon

October 10, 2025 | 12:00am

KUNG tutuusin, hindi lang sakit ang korapsiyon sa bansa epidemya na ito. Para itong cancer na unti-unting kumakain sa laman ng bayan at kahit ilang chemo ng reporma o bagong administrasyon, parang ayaw pa ring gumaling. Ang masakit pa, ang mismong doktor minsan siya ring may sakit.

Kada eleksiyon, may mga kandidatong parang milagro kung mangako. “Walang korap, walang atras!” sabi nila. Pero pag-upo, biglang may pa-travel allowance, pa-confidential fund, o kung anu-anong project na parang ATM ng bayan. Hindi mo na alam kung governance ba ‘yan o raket.

Minsan naiisip mo baka tayo rin may ambag sa sakit na ito. Kasi pag may kilala sa munisipyo, okay lang manghingi ng pabor. Pag may kamag-anak sa ahensiya, ayos lang daw ang shortcut. Hanggang sa pati kabataan, nasasanay na sa palusot. Kaya habang ang ilan sumisigaw ng “change is coming,” ang totoo, change is scamming.

Pero teka, hopeless case na ba tayo? Siguro hindi pa. Kasi kahit paano may mga matitino pa ring public servants na di bumebenta ng prinsipyo. May mga kabataang ayaw mag-compromise. At may mga mamamayang marunong nang magtanong, hindi lang basta nagpapadala sa pagpapapogi o padrama sa TikTok.

Kung cancer ang korapsiyon, ang unang gamot ay kato­tohanan at ang maintenance ay tapang — ‘yung tapang mag­sabi ng mali kahit nakatatakot, tapang magturo ng tama kahit walang kapalit. Kasi kung lagi nating iisiping “wala namang mangyayari,” e di wala nga talagang mangyayari.

Sa huli, baka hindi “magamot” nang tuluyan ang korapsiyon pero puwedeng mapigilan ang pagkalat kung lahat tayo, mula sa ordinaryong mamamayan hanggang sa mga naka­upo ay marunong nang mahiya, marunong manindigan, at higit sa lahat, marunong magmahal sa bayan hindi lang sa salita.

Disklaymer: Ang sanaysay na ito ay opinyon lamang ng may-akda. Layunin nitong magmulat ng isipan, hindi manira ng sinuman o institusyon. Anumang pagkakahawig sa aktwal na tao, pangyayari, o opisyal ay hindi sinasadya. Ang mga pahayag dito ay para sa pampublikong diskurso at hindi dapat ituring na akusasyon o alegasyon ng katiwalian.