May ibang ka-chat ang bf


Dear Dr. Love — Pilipino Star Ngayon

October 27, 2025 | 12:00am

Dear Dr. Love,

Tawagin niyo na lang po akong Hurt, 25-anyos. Sa loob ng tatlong taon, akala ko seryoso kami ng boyfriend ko. Pero gumuho ang lahat nang makita ko ang phone niya: may ka-chat siyang iba, puno ng “I miss you” at planong magkita. Nag-deny siya at sinabing “ka-chat lang, walang ibig sabihin.”

Ang sakit-sakit po! Paano ko malalaman kung nagsasabi siya ng totoo? Dapat ba akong mag-move on o bigyan pa siya ng second chance? Paano ko aayusin ang feelings ko para sa kanya, para sa aming relasyon? Hindi ko po alam kung paano ang gagawin, paano magsisimula? Pagpayuhan po ninyo ako.

Hurt

 

Dear Hurt,

Hindi naman kailangan ng mataas IQ para malaman mong niloloko ka na ng boyfriend mo. Karaniwan sa mga gumagawa ng mali ay sinasabing “wala lang, walang kahulugan, walang bilang, walaing ibig sabihin,” na pawang alibi na lang.

Ang flirting through text at kahit ano pang means of communication ay pagtataksil sa inyong commitment sa isa’t isa.

Kahit na gustuhin mong balewalain ang sakit, susulput ‘yan na parang sumisirit na tubig at lilikha ng pagdududa sa iyong boyfriend, at sa lahat ng kanyang ginagawa. Just to give a chance sa inyong relasyon, sige bigyan mo ng second chance pero make it clear sa kanya ang mga bounderies, na kung aapakan niya ay siya na ang tumapos sa inyong relasyon.

Isipin mo na lang kung ngayon na mag-boyfriend palang kayo ay nagagawa na niya ang panloloko, pagsisinungaling na pawang kawalan ng pagpapahalaga sa inyong relasyon, higit sa lahat pagbabalewala sa feelings mo, paano pa kaya kapag magkatuluyan kayo at maging mag-asawa? Ano pa kaya ang magiging kalagayan mo?

Bigyan mo siya ng ultimatum kung hanggang saan lang ang kaya mong palampasin.

Kung magbabago siya, magpapakita ito ng sinseridad niyang maayos ang relasyon ninyo. Pero kung hindi, baka oras na para magsimula ka ng buhay na hindi siya kasali.

Deserve mo ang partner na magagawang tumbasan kung hindi man higitan ang pagmamahal at pagpapahalaga na ibinibigay mo.

DR. LOVE