February 10, 2026 | 12:00am
Dear Dr. Love,
May boyfriend po ako na mabait at walang ginagawang masama sa akin. Pero aminado akong nagbago na ang nararamdaman ko para sa kanya. May nakilala akong iba at siya na ang laman ng isip at puso ko ngayon.
Hindi ko alam kung paano ako makiki-paghiwalay. Natatakot akong masaktan siya at magmukhang masama. Pero mas nahihirapan akong magpanggap na mahal ko pa siya gaya ng dati.
Ano po ang dapat kong gawin?
Rhanna
Dear Rhanna,
Una sa lahat, salamat sa iyong katapatan—lalo na sa sarili mo. Ang pag-amin na may nagbago sa damdamin ay hindi madali.
Ngunit tandaan mo ito, mas masakit ang kasinungalingan na pinatatagal kaysa sa katotohanang masakit ngunit malinaw.
Kung hindi na buo ang puso mo sa kasalukuyan mong boyfriend, hindi makatarungan na manatili ka pa sa relasyon dahil lamang sa awa o takot.
Ang pag-ibig ay hindi obligasyon. Hindi ito utang na dapat bayaran. Ito ay kusang loob at buong puso.
Kung pipiliin mong tapusin ang relasyon, gawin mo ito nang maayos at may respeto. Huwag mong sisihin ang iba. Akuin mo ang iyong nararamdaman.
Sabihin mong nagbago ka, at ayaw mo siyang lokohin. Huwag mong iparamdam na may pagkukulang siya—dahil sa kwento mo, wala naman.
At tungkol naman sa bagong pag-ibig, siguraduhin mong hindi lamang ito bunga ng kilig o pansamantalang saya.
Kilalanin mong mabuti ang sarili mo bago ka tuluyang tumalon sa panibagong relasyon.
Sa huli, ang tunay na pag-ibig ay hindi lang tungkol sa kung sino ang nagpapasaya sa’yo ngayon, kundi kung sino ang kaya mong pa-nindigan nang walang panlilinlang.
Masakit man, piliin mong maging totoo.
Dahil ang pusong tapat, kahit nasaktan ay may kapayapaan.
DR. LOVE