February 9, 2026 | 12:00am
Isang kontrobersyal na teknolohiya ang ibinida ng Russian neurotechnology startup na Neiry matapos nilang ianunsIyo ang matagumpay na pag-convert sa mga ordinaryong kalapati bilang mga “biodrones” o cyborgs na kayang kontrolin ng tao para sa surveillance missions.
Sa pamamagitan ng pagtatanim ng maliliit na electrodes sa utak ng ibon at pagkakabit ng stimulator sa kanilang ulo, nagagawa ng mga operator na diktahan ang kilos at direksyon ng paglipad ng mga ito gamit ang electrical impulses.
Ang bawat “cyborg pigeon” ay nilalagyan din ng solar-powered backpack na naglalaman ng controller at camera, na nagbibigay-daan upang magamit ang mga ito sa pagmamanman sa mga sensitibong lugar nang hindi namamalayan.
Ipinagmalaki ng kompanya na higit na superior ang mga biodrones kumpara sa nakasanayang mechanical drones. Ayon sa Neiry, hindi na kailangan ng mga ito ng baterya, kaya nilang lumipad ng hanggang 480 km sa isang araw, at kaya nilang pasukin ang mga restricted airspace nang hindi pinaghihinalaan.
Bukod dito, iginiit ng startup na hindi na kailangan ng matagal na pagsasanay o “conditioning” dahil agad na sumusunod ang anumang hayop sa commands matapos ang implantation surgery.
Bagama’t sinasabi ng Neiry na ang teknolohiyang ito ay para lamang sa pag-inspeksiyon ng mga imprastraktura at rescue operations, nababahala ang mga eksperto na maaari itong gamitin ng militar para sa covert surveillance o pang-eespiya.
Plano rin ng kompanya na palawakin ang proyekto gamit ang mas malalaking ibon tulad ng uwak at seagulls upang makapagbuhat ng mas mabibigat na kagamitan. Sa ngayon, wala pang malinaw na kumpirmasyon kung gaano kaepektibo ang nasabing proyekto sa totoong operasyon.