Mga gagawin kapag humahapdi ang sikmura


DOC WILLIE — Dr. Willie T. Ong — Pilipino Star Ngayon

January 3, 2026 | 12:00am

1. Kumain ng saging. Parang gamot din ito dahil nata­tapalan nito ang sikmura. Saging ang kinakain ko kapag humahapdi ang sikmura.

2. Uminom ng tubig pakonti-konti. Malaki ang naitutulong ng pag-inom ng tubig sa paglinis ng acid sa tiyan. Ang tamang pag-inom ay ang paglagok ng konting tubig bawat 20 minutos. Sa ganitong paraan, mahuhugasan at malilinis ang acid sa tiyan.

3. Kumain ng pakonti-konti pero madalas. Halimbawa, kumain ng 7:00 ng umaga. Magsaging ng 10:00 a.m. Mag-lunch ng kaunti lang. Magmeryenda ng tinapay sa 4:00 p.m. Mag-dinner ng 7:00 ng gabi. Kahit busy sa trabaho, huwag kalimutang kumain sa oras. Ingatan ang tiyan.

4. Umiwas sa maasim at maanghang na pagkain. May mga pagkaing sadyang nakahahapdi ng tiyan. Umiwas sa mga sobrang spicy na pagkain. Ang sili, kalamansi, suka, sinigang na sobrang asim at pineapple juice na puro ay puwedeng magdulot ng paghapdi ng sikmura. Ang sobrang lamig na inumin ay nakakairita rin ng tiyan.

5. Hindi na kailangan ng gamot sa ordinaryong paghapdi ng sikmura. Kumain na lang ng mga pagkaing ikaka-relax ng tiyan. Mag-relax habang kumakain para hindi ma-stress ang katawan.

* * *

Mga gagawin kapag sumasakit ang likod

Sumasakit ang likod dahil sa (1) maling posisyon sa pag­tulog; (2) maling pag-upo o nakakuba; (3) maling pagbubuhat; (4) sobra sa timbang, at (5) arthritis.

Mga dapat gawin:

1. Kung sobra sa timbang, kailangang magpapayat. Hindi kasi kaya ng likod ang bigat ng tiyan.

2. Mag-ehersisyo kapag pawala na ang sakit sa likod.

3. Palakasin ang masel sa likod. Mag-ehersisyo ng ka­tamtaman lang. Kapag lumakas ang masel, hindi na sasakit ang ating likod.

4. Huwag magbuhat nang mabibigat. Kung mayroong bu­buhatin, magpatulong sa isang kasama para kalahati lang ang bigat. Mag-squat at gamitin ang lakas ng hita para maiangat ang dinadala. Panatilihing deretso ang likod.

5. Umupo nang deretso ang likod. Maglagay ng maliit na unan sa upuan para laging naka-straight ang likod.

6. Huwag umupo nang matagal. Mapapagod ang likod kapag nakapirmi sa isang puwesto. Ang pinakamaganda sa likod ay paghiga sa kama.

7. Pumili ng katamtamang kutson na tulugan. Huwag sobrang lambot na lumulundo ang likod. At huwag ding matulog sa papag dahil sobrang tigas ito.

8. Matulog ng naka-“s” ang katawan. Humiga ng paihaya. Mag-unan para may suporta sa ulo at leeg. Maglagay pa ng isang unan sa ilalim ng tuhod para nakataas ito. Mas komportable sa likod ang nakabaluktot ang tuhod.

9. Kung nakatagilid matulog, maglagay ng unan sa pagitan ng hita. Ito ay para huwag bumaluktot masyado ang hita at mapuwersa ang likod.

10. Lagyan ng medyo mainit na bagay ang likod o hot bag na binalot sa tuwalya. Gawin ito ng 15 minutes lamang at huwag sobrahan.

11. Puwedeng kumunsulta sa physical therapist. Sila ay nagtuturo ng stretching exercises at iba pang exercise para sa back pain.

12. Makatutulong din ang masahe ng myotherapist or massage therapist. Pero soft massage lang o dahan-dahan lang para lumuwag ang masel.