APEKTADO ng gout ang paa, sakong, tuhod, kamay, kamao at kadalasang ang hinlalaki sa paa. Nabubuo ang gout kapag mataas ang lebel ng uric acid sa dugo. Kaya ang resulta nito ay ang pagkakaroon ng crystals (parang buhangin) na nabubuo sa kasu-kasuan o palibot ng tissue na dahilan ng pananakit at pamamaga.
Ang pag-atake ng gout ay maaaring makapagpagising sa kalagitnaan ng pagtulog na para bang sinusunog ang hinlalaki. Ang apektadong joint ay mainit, namamaga at naninigas.
Dahilan sa pagkakaroon ng gout ang labis na katabaan, sobrang pag-inom ng alak, high blood pressure, mataas na kolesterol at diabetes, at kung may lahi sa pamilya na gout.
Inirerekomenda ang mga sumusunod kapag umatake ang gout:
1. Uminom ng 8-16 tasa ng liquid bawat araw. Mas mainam kung tubig, sopas at hindi matamis na inumin.
2. Iwasan ang pag-inom ng alak.
3. Kumain ng katamtamang dami ng protina, mas mainam kung galing sa gatas (low-fat milk), tofu o tokwa, at itlog. Hindi bawal ang monggo at tokwa sa gout.
4. Bawasan ang pagkain ng karne, isda at manok. Ang mga pagkaing ito ay mataas sa protina at nagpapataas ng uric acid sa dugo.
5. Panatilihin ang tamang timbang.
6. Kumunsulta sa doktor kung nilalagnat at ang kasu-kasuan ay mainit at namamaga. Baka senyales ito ng impeksiyon.