Mga kriminal, political dynasts ang kandidato sa party-list


WALUMPU’T ANIM sa 156 party-lists, o 55.13%, ay questionable, anang election watchdog Kontra Daya. Konektado kasi sila sa:

(1) Political dynasties na binabawal ng Konstitusyon,

(2) Malalaking kumpanya na nagsusulong ng oligarkiya,

(3) Mga grupong pulis-militar na kontra sa malayang pag-iisip,

(4) Nililitis o sentinsyado dahil sa katiwalian,

(5) Kahinahinalang adhikain o malabong plataporma, at

(6) Kulang-kulang na impormasyon, parang may itinatago.

Inehemplo ni UP Prof. Danny Arao, Kontra Daya convenor, ang partidong Kaunlad Pinoy:

“Unang nominee si James Christopher Napoles. Kung matunog ang pangalan niya, ‘yon ay dahil anak siya ni Janet Lim-Napoles – pork barrel fixer para sa 20 senador at 100 kongresista nu’ng 2014.

“Habambuhay nakabilanggo si Ms. Napoles dahil sa pan­darambong, kaya hindi na maaring iboto at bumoto.

“Hindi sentinsyado si James Christopher. Pero hinabla siya nu’ng 2017 ng tig-97 counts ng katiwalian at pangungu­limbat sa pamamagitan ng mga palsipikadong dokumento.

“Nu’ng 2018 hinabla siya sa America, kasama si Ms. Napoles at apat pang iba, dahil sa kutsabahan na magpasok at maglabas ng $20 milyon. Pera ‘yon ng Pilipinas na nakalap sa maraming taon ng panunuhol at pangga­gantso.”

Dapat malaman ng botante ang katauhan ng Kaunlad, ani Arao.

Mabuti pa sana ku’ng hindi ito pinahintulutan ng Co­melec kumandidato ang Kaunlad. Problema nga lang, ma­hina ang loob ng Comelec. Kaya ang mga halalan ay ma­rumi, madaya, magulo.

Suriin ang party-lists: https://tinyurl.com/KDPLstudy2025

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).