Mga pugita, marunong magtanim ng galit at mambully, ayon sa siyensya


MGA KUWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

December 11, 2025 | 12:00am

Huwag na huwag ninyong gagalitin ang pugita, dahil tatandaan kayo ng mga ito.

Ito ang nakakagulat na konklusyon ng mga marine biologists matapos mapatunayan na ang mga octopus o pugita, mga nilalang na kilala sa kanilang pambihirang talino, ay may kakayahan magtanim ng sama ng loob, kumilala ng mukha ng tao, at mam-bully ng kapwa nila lamandagat dahil lamang sa inis.

Lumalabas sa mga pag-aaral na ang mga pugita ay hindi lamang basta umaaksiyon base sa instinct; sila ay may kumplikadong utak na may kakayahang magproseso ng emosyon at memorya, katulad ng pagkilala kung sino ang “kaibigan” at sino ang “kaaway.”

Napatunayan ito sa isang eksperimento sa Seattle Aquarium gamit ang mga giant Pacific octopus.

Sa nasabing pag-aaral, dalawang magkaibang tao ang nakipag-interact sa mga pugita. Ang isang tao ay nagsilbing “mabait” na tagapag-alaga na nagbibigay ng pagkain. Ang ikalawang tao naman ay nagsilbing “kontrabida” na tinutusok sila ng stick.

Kahit nakasuot ng parehong uniporme ang dalawang tao, mabilis na natutunan ng mga pugita na kilalanin ang pagkakaiba ng ka­nilang mga mukha.

Kahit lumipas ang ilang linggo, lumalapit ang mga pugita sa mabait na tao, ngunit nagtatago naman o bumubuga ng tubig kapag nakikita ang “kontrabida”.

Marami ring anecdotal reports mula sa mga aquarium sa buong mundo kung saan may mga pugitang namimili ng “target”.

Hihintayin nilang dumaan ang partikular na staff o volunteer na ayaw nila, at saka ito bubugahan ng tubig sa mukha habang hindi naman pinapansin ang ibang tao.

Hindi lamang mga tao ang biktima ng init ng ulo ng pugita. Nakunan din ng video ng mga researchers ang mga pugita na “nanununtok” ng mga isda sa ilalim ng dagat.

Ayon sa mga siyentipiko, minsan ginagawa nila ito para disiplinahin ang isda na nang-aagaw ng pagkain. Ngunit sa ibang pagkakataon, nanununtok ang pugita kahit wala namang malinaw na dahilan.

Ang ganitong kumplikadong pag-uugali ay patunay na ang mga pugita ay isa sa pinakamatalinong nilalang sa mundo, na may utak na tinatayang kasing-level ng katalinuhan ng aso.

Kaya babala sa publiko: maging mabait sa mga pugita, dahil baka matandaan kayo ng mga ito.