Mga pulis sa war on drugs, lumikida sa mga sabungero — Totoy


MANILA, Philippines — Ibinunyag ni whistleblower Julie Patidongan alyas “Totoy” na iisang grupo ng mga pulis ang nagsagawa ng war on drugs at mga pumatay sa mga nawawalang sabungero.

Ayon kay Patidongan, kilala niya ang mga pulis na pawang mga taga Luzon na siya umanong responsable sa pagpatay sa mga sabungero.

Ngayong naghain na siya ng kaso laban sa mga pulis, naniniwala si ­Patidongan na marami nang babaligtad na pulis at tetestigo para  mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mga sabungero.

Samantala ayon kay Justice ­Secretary Jesus Crispin Remulla, maaring may kinalaman din ang mga taong nasangkot sa “death squads” ng war on drugs noong nakalipas na administrasyon sa online o e-sabong sa panahon ng pandemya.

“I think that the death squads… the people who undertake the contractual killings may intersect somehow with the drug war and with the e-sabong. May mga taong parang involve sa pagpatay sa drug war at sa e-sabong,” aniya.

Binanggit ng kalihim ang pag-aresto sa Meycauayan kung saan ang mga naarestong drug suspect ay may koneksyon sa e-sabong operations.

“Meron talagang nagkaroon ng isang incident na napagtagpi natin, napagdikit natin ‘yung dalawang kaso na ‘yan. And it happened in Meycauayan in a gas station there. Nagkaroon ng arrest diyan ng dalawang tao na nakakulong ngayon sa Batangas,” ani pa ni Remulla.

Bahagi ng pagbubunyag ni Patidongan na ang Taal Lake, kung saan patuloy pa rin ang search and retrieval operations sa sinasabing mga labi ng missing sabungeros, ay naging tapunan din ng mga pinatay na drug suspects.