October 16, 2025 | 12:00am
Isang kakaibang uri ng protesta ang isinagawa ng mga residente ng Portland, Oregon sa United States nitong October 12 matapos magbisikleta nang nakahubad sa gitna ng malamig na panahon.
Ang protesta ay bilang pagtutol sa plano ni President Donald Trump na magpadala ng mga sundalo sa kanilang lungsod.
Tinawag itong “emergency edition” ng kanilang taunang World Naked Bike Ride, isang tradisyon sa Portland kung saan libu-libong tao ang nagbibisikleta nang hubad bilang paghahayag ng pagkakaisa.
Sa pagkakataong ito, ginamit ng mga mamamayan ang aktibidad na ito upang tutulan ang utos ng pamahalaan na magpadala ng tropa para supilin ang mga kilos-protesta sa kanilang lugar.
Ang mga kalahok ay naglibot sa lansangan patungo sa gusali ng U.S. Immigration and Customs Enforcement.
Nakabantay naman ang mga pulis at pinapayuhan silang manatili sa bikelane upang hindi maaresto.
Mula pa noong 2004, kilala ang Portland sa mga ganitong malikhaing demonstrasyon para ipahayag ang kanilang pagtutol sa inaakala nila ay panunupil sa kanilang karapatan.