Motorsiklo isinangla ni misis, tinodas ni mister!


Joy Cantos — Pilipino Star Ngayon

August 14, 2026 | 12:00am

MANILA, Philippines — Dahilan lamang umano sa maling akalang hindi nahulugan ang isinanglang motorsiklo para mabawi, pinaslang sa saksak ng isang nabur­yong na mister ang 35-anyos nitong misis bago sinaksak rin ang sarili sa Brgy. Refugio, Calatrava, Negros Occidental, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ang nasa­wing ginang sa palayaw lamang nitong Milag, residente sa lugar. Ang ginang ay nagtamo ng saksak sa iba’t ibang ba­hagi ng katawan na siyang kumitil sa buhay nito.

Bantay sarado ng mga awtoridad ang 37-anyos na mister ng ginang na kinilala lamang sa palayaw na Tito, nagtamo ng saksak sa kaniyang tiyan at patuloy na ginagamot sa Calatrava Municipal Hospital.

Sa imbestigasyon ng Negros Occidental Provincial Police Office (PPO), nangyari ang insidente sa tahanan ng mag-asawa sa nasabing lugar noong Agosto 11.

Nagtalo umano ang mag-asawa matapos na awayin ng nasabing mister ang ginang sa pag-aakalang hindi nito hinulugan ang nakasangla nilang motorsiklo na nais nitong mabawi na.

Gayunman, hindi lamang umano nai-update ng ahente ng motorsiklo ang bill sa nasabing binayaran ng ginang na pinadaan nito sa Bayad Center.

Sa matinding galit ng nasabing mister ay pinagsasaksak ang ginang na napuruhan sa tiyan at braso habang nagsaksak din sa sarili ang suspect na nagtamo ng sugat sa tiyan saka nahiga sa tabi ng ginang kung saan isinugod ang mga ito sa pagamutan ng nag­respondeng mga pulis, pero bigo nang mailigtas ang nasabing misis.

Kasalukuyan na ngayong nasa hospital arrest ang nasabing mister na nahaharap sa kasong parricide.