December 19, 2025 | 12:00am
Malamang magsisi si President Bongbong Marcos sa pagtalaga kay Ralph Recto bilang Executive Secretary.
Tinanggal ni BBM si ES Lucas Bersamin nu’ng Nob. 17. Ito’y para mailayo ni BBM ang sarili mula sa P1.7-trilyong flood works scandal.
Sinangkot kasi ni resigned Rep. Zaldy Co si BBM sa pinakamalaking katiwalian sa kasaysayan ng bansa. Ani Co, nagsingit si BBM ng P100-bilyong pork barrel sa 2025 pambansang budget. Umano sinabi sa kanya ito nina noo’y-Budget Sec. Amenah Pangandaman at Presidential Legislative Liaison Officer Adrian Bersamin, apo ni Executive Secretary Lucas Bersamin. Chairman noon si Co ng House Appropriations Committee.
Kuwento ni Co ilang biyahe n’yang hinatid ang P100 bilyon sa mga bahay nina BBM at noo’y-Speaker Martin Romualdez sa Forbes Park, Makati. Pinatotohanan din niya ang salaysay ng dati niyang bodyguard Orly Guteza na naghatid ito ng male-maletang pera sa Malacañang.
Pinawalang-sala ni Sen. Ping Lacson si BBM. Sa halip, idiniin sina Pangandaman at mag-lolo-apo na Bersamin. Sa pagsibak kay Bersamin, ipinalit si Recto.
Mas malala. Dikit din si Recto sa maanomalyang flood scams dahil kay kontratista-kongresista Edwin Gardiola. Bilang Construction Workers Solidarity party-rep, nakapagsingit umano si Gardiola ng P20-bilyong pork barrel sa 2025 budget. Tinulungan siya ni dating DPWH Usec. Catalina Cabral, pinaratangang fixer ng flood works.
Binunyag ‘yan ni Batangas First District Rep. Leandro Leviste. Taga-bayan ng Mataas na Kahoy, Batangas si Gardiola. Naka-P42 bilyong DPWH contracts na si Gardiola at pamilya mula 2001 hanggang 2025, anang news reports.
Sanggang-dikit sina Recto at Gardiola. Nu’ng Mayo 2024 nagninong si Recto sa kasal ng anak ni Gardiola sa Florence, Italy. Pinatira si Recto sa pinakamahal na hotel, at binigyan ng puting stretch limousine.