Nadadamay sa away | Pilipino Star Ngayon


Dear Dr. Love,

Paborito akong apo ni lola, bukod sa ako ang nag-aalaga sa kanya tuwing pumupunta kami sa bahay nila.

Proud din sa akin si lola dahil palagi akong may medal sa school. Kaso, nitong mga nakaraang araw nagkakainitan sila ni nanay. Opo, nag-away sila ng nanay ko. Mukhang hindi na naman sila magkaintindihan na dalawa.

Tuloy, ngayon ay pinipigilan ako ni nanay na pumunta sa bahay ni lola. Dr. Love, wala naman akong kinalaman sa away nila. Bakit ngayon ay nadadamay ako.

Pambihira naman, namimiss ko na si lola eh. Pero ang sabi ni nanay huwag raw akong pupunta sa bahay ni lola. Bawal akong makipag-usap sa kanya.

Ano po gagawin ko?

Betchay

Dear Betchay,

Madalas mahirap ispelengin ang mga nakatatanda. Pero huwag ka maghihinanakit sa kanila.

May mga bagay na sa ngayon ay hindi mo pa talaga mage-gets.

Ang payo ko, bakit hindi mo subukan na pagpaliwanagan si nanay mo na hindi ka niya dapat idamay sa hindi nila pagkakaunawaan ng lola mo.

Pero minsan wala kang magagawa, kundi ang sumunod sa utos ni nanay.

Hanggang sa lumamig muna ang sitwasyon, pasasaan ba’t magkakasundo rin sila.

Hindi mo nabanggit ang tatay mo, na malaki sana ang maitutulong para paalalahanan si nanay mo.

Dr. Love