Dear Dr. Love,
Ako po si Melay, dalaga na nalilito sa isang lalaking nanliligaw sa akin. Sa umpisa, akala ko ay may kaya siya sa buhay. Palagi siyang may post ng mamahaling kape, bagong sapatos, at kung minsan ay nanghihiram pa ng kotse para sunduin ako. Lagi niyang sinasabi na kaya niyang ibigay ang lahat sa akin.
Pero habang tumatagal, nalaman kong marami pala sa ipinapakita niya ay hiram lang. May mga utang pa siya na hindi nababayaran dahil gusto niyang magmukhang mayaman. Nalaman ko ring minsan ay hindi na siya kumakain nang maayos basta may maipang-date lang sa akin.
Hindi ko naman hinahanap ang mayaman. Mas gusto ko ang taong totoo kaysa marangya. Paano ko po sasabihin sa kanya na hindi niya kailangang magpanggap para lang mapansin ko?
Melay
Dear Melay,
Hindi nasusukat ang halaga ng isang lalaki sa suot niyang sapatos, sa kotse niyang minamaneho, o sa litrato niyang ipinapakita sa social media. Ang tunay na sukatan ay ang kanyang katapatan at kakayahang maging totoo.
Kung ang pag-ibig ay nagsisimula sa pagpapanggap, mahihirapan itong tumagal.
Mas kahanga-hanga ang lalaking aminado na nagsisimula pa lang kaysa sa lalaking baon na sa utang para lamang magmukhang matagumpay.
Sabihin mo sa kanya nang may paggalang na hindi mo kailangan ng marangyang panliligaw.
Ang gusto mo ay isang pusong tapat at isang lalaking maru-nong mamuhay ayon sa kanyang kakayahan. Ang taong totoo ay mas madaling mahalin kaysa sa taong laging may suot na maskara.
DR. LOVE