November 6, 2025 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Magandang araw po. Ako po si Liza, 25-anyos. Ang problema ko po ay ang boyfriend ko, si Ron.
Madalas po kaming nag-aaway nitong huling mga buwan dahil sa paulit-ulit niyang mga pagkakamali, tulad ng pagiging seloso at kawalan ng respeto, na alam kong mali na para sa isang seryosong relasyon. Kahit sinabihan ko na siya, walang nagbabago.
Gusto ko na po sanang makipag-break dahil nasasayang lang ang oras ko at nasasaktan lang ako. Pero, ayaw po niyang pumayag.
Ang mas nakakainis pa, kahit siya ang may mali at dahilan kung bakit ako nakikipaghiwalay, siya pa itong nangungulit at hindi ako tinatantanan. Parati po siyang tumatawag, nagte-text, at nagpupunta sa bahay namin, nangangako na magbabago, pero babalik lang din sa dati. Hindi ko na po alam kung paano siya iiwasan at paano ko ba siya mapipilit na tanggapin na tapos na kami.
Paano ko po ba tuluyang tatapusin ang relasyong ito nang hindi na niya ako makontak at mag-ing tahimik na ang buhay ko?
Liza
Dear Liza,
Tandaan mo na ang pagtatapos ng relasyon ay isang desisyon, hindi isang negosasyon. Kung ikaw ay nagdesisyon nang tapusin ang relasyon dahil paulit-ulit kang nasasaktan at wala na-mang nagbabago, karapatan mong manindigan diyan.
Ang pinakamahalagang hakbang ngayon ay ipatupad ang tinatawag na ‘No Contact Rule.’ Una, bigyan mo siya ng isang huling, matatag, at malinaw na mensahe na: “Tapos na tayo. Hindi na magbabago ang desisyon ko.” Pagkatapos nito, putulin mo na ang lahat ng komunikasyon—i-block siya sa lahat ng tawag, text, at social media.
Ang iyong pananahimik ang magsisilbing pinakamalakas mong mensahe na tuluyan mo nang tinapos ang relasyon. Kung patuloy siyang nangungulit at personal na nagpupunta, huwag kang magbukas ng pinto at huwag kang makipagtalo.
Kung nagdudulot na ng gulo at panganib ang kanyang panunukso, huwag mag-atubiling humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Sa tuwing nakakaramdam ka ng panghihina, isipin mo ang lahat ng sakit na dinanas mo dahil sa paulit-ulit niyang pagkakamali.
Ang pagmamahal sa sarili ang pinakamahalaga, at hindi mo obligasyon na manatili sa isang relasyong nagpapababa sa iyo. Manindigan ka at makakamit mo ang kapayapaan mo.
DR. LOVE