LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Kahit walang welga o tigil pasada sa Bicol pero ramdam na ang kakulangan ng masasakyan ng maraming mga pasahero sa nakalipas na mga araw sa ilang ruta sa lalawigang ito matapos tumigil sa pamamasada ang halos kalahating porsyento ng mga PUV o passenger utility vehicle.
Sa Legazpi City Grand Terminal sa Albay nitong nakalipas na mga araw maraming mga pasahero na patungo sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ang na-stranded at nahirapang makahanap agad ng masasakyan lalo na ang mga uuwi sa gabi dahil halos karamihan ng PUV ay gumagarahe ng maaga at hindi bumiyahe. Marami sa kanila ang naghintay ng masasakyang jeep, bus at UV Express Van lalo na ang pauwi ng lalawigan ng Camarines Sur at Sorsogon.
Inamin mismo ni Ramon Rescovilla, lider ng grupong Condor-Piston sa Bicol na sa tantiya nila ay halos 50-porsyento ng mga PUVs lalo na ang mga pampasaherong jeepney ang tumigil muna sa pamamasada dahil sa hirap na nararanasan sa walang prenong pagtaas ng presyo ng petrolyo. Inihalimbawa niya ang isang operator ng jeepney sa rutang Legazpi City at Daraga na may 10-units na nagbawas ng 5-units sa ipinapasada para makatipid ng krudo.
Ginagawa umano ng karamihan ng mga kasamahan nilang operators ay magkaroon ng skedyul ng mga jeepney drivers na mamamasada bawat araw para makatipid ng krudo at mabigyang tsansa ang lahat na makabiyahe. Karamihan umano ng tumigil na tsuper sa pamamasada ay naghanap muna ng panibagong trabaho para may maipakain sa pamilya.