October 20, 2025 | 12:00am
ISANG foster kitten na nagngangalang Wendy ang naging sentro ng isang hindi inaasahang insidente matapos itong makunan ng security camera na naghulog ng patay na daga sa nilulutong hapunan ng kanyang mga amo.
Ang mga larawan mula sa home security camera sa kusina ng foster family ni Wendy ay nagpapakita na inihuhulog ang patay na daga sa isang kaldero ng pagkain na nakasalang sa stove.
“Si Wendy ay isang foster cat na nahuli sa kitchen security camera na nagdaragdag ng ‘sahog’ sa hapunan ng kanyang pamilya,” nakasaad sa post.
Ayon sa foster owner ni Wendy, lumabas siya upang pakainin ang kanyang mga aso nang makunan ng kitchen camera ang pagtatangka ng pusa na “magluto.”
Sinabi niya na ang kahina-hinalang pag-uugali ng pusa nang bumalik siya sa kusina ang nagtulak sa kanya upang suriin ang camera footage at matuklasan ang iniwan ni Wendy sa kaldero.
“Tulad ng hula n’yo, takeout ang hapunan nang gabing iyon,” sabi ng foster mom ni Wendy sa isang panayam sa media.