Naturalization ni Li Duan Wang tinabla ni Pangulong Marcos


MANILA, Philippines — Hindi nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang batas para gawaran ng Filipino Citizenship si Li Duan Wang.

Si Li Duan Wang na kilala rin bilang Mark Ong ay isang Chinese national at umano’y incorporator ng isa sa pinakamalaking POGO service provider sa bansa na New Oriental Club 88 Corp. na ipinasara noong 2019.

Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, pangunahing dahilan kung bakit hindi pinirmahan ng Pangulo ang enrolled bill ay dahil lumalabas ang pangalan ng Chinese national sa isyu ng POGO.

“Yung legislative naturalization ni Li Duan Wang ay na-veto ng Pangulo. Itong si Li Duan Wan ay nababalitang parte ng POGO at alam naman natin na ang POGO ay hindi gusto ng Pangulo. May total ban ang POGO dahil ito ang pinagsisimulan ng krimen, pati na ‘yung kidnapping,” pahayag ni Castro.

Sinabi pa ni Castro na si Li Duan Wang ay may kinalaman din umano sa ninong ni Cassandra Ong na sangkot sa operasyon ng POGO sa bansa kaya hindi napirmahan ang naturalization nito na maging Pilipino.