August 31, 2026 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Tonio na lang po ang itawag ninyo sa akin. Mabait naman po ang biyenan ko. Ang tanging bagay na hindi ko lang po matagal na sa kanya ay ang sukdulang paninita niya sa akin, na para bagang wala na akong ginawang tama sa araw-araw.
Halos lahat ng ginagawa ko sa bahay ay may puna siya—mula sa paraan ng pag-aalaga ko sa pamilya hanggang sa mga desisyon ko bilang asawa.
Bilang mister, nasa puso ko ang pagsasaalang-alang na respetuhin siya dahil ina siya ng aking misis.
Pero sa maraming pagkakataon, pakiramdam ko ay wala na akong sariling boses sa sarili kong pamilya.
Marami po siyang ginagawa na para sa akin ay sobrang “foul” dahil nakakaramdam ako ng pagkapahiya sa paraan ng paninita niya.
Madalas ginagawa niya ang pagsasaway sa akin, sa harap ng aking asawa, nahihiya po ako at talagang nasasaktan ako. Dahil dama ko na intensiyunal ang ginagawa niya.
Ayaw ko namang sumagot dahil baka lumala ang sitwasyon, at ako pa ang lumabas na walang respeto.
Hindi ko po alam kung paano ko sasabihin sa aking biyenan na kailangan ko rin ng kaun-ting tiwala at respeto bilang asawa at ama ng sarili kong pamilya.
Ayoko po ng away. Gusto ko lang magkaroon ng maayos na hangganan sa pagitan namin.
Dr. Love, paano ko po ba haharapin ang biyenan ko na sobra kung manita nang hindi ko siya nasasaktan o nawawala ang respeto ko sa kanya?
Tonio
Dear Tonio,
Hindi lahat ng pananahimik ay tanda ng paggalang, at hindi rin lahat ng pagsagot ay kawalan ng respeto.
May mga pagkaka-taong kailangan mong magsalita—hindi para makipagtalo, kundi para maipagtanggol ang iyong dignidad at ang katahimikan ng inyong pamilya.
Kaibiganin mo ang iyong biyenan, ngunit magtakda ka ng mahinahong hangganan. Sabihin mo sa kanya nang pribado, “Nirerespeto ko po kayo bilang ina ni misis, pero sana po, kung may pagkukulang ako, mapag-usapan natin nang maayos at hindi sa harap ng iba.”
Higit sa lahat, kausapin mo rin ang iyong asawa. Hindi mo kaila-
ngang mamili sa pagitan ng asawa at bi-yenan.
Ang kailangan ninyo ay pagkakaisa bilang mag-asawa at respeto sa bawat panig ng pamilya.
Tandaan mo, ang tunay na respeto ay hindi lamang marunong sumunod—marunong din itong umunawa at magbigay ng tamang hangganan.
DR. LOVE