Niyogyugan Festival sa Quezon Province arangkada na


Tony Sandoval — Pilipino Star Ngayon

August 13, 2025 | 12:00am

LUCENA CITY, Philippines — Pormal nang binuksan kahapon ang tinaguriang “Mother of all Festival sa Quezon Province” na Niyogyugan Festival 2025, na nagtatampok sa walong araw na makukulay na pagdiriwang na nagtataas sa kasipagan at kontribusyon ng mga magsasaka ng niyog sa buong lalawigan. 

Sa pangunguna ni Governor Doktora Helen Tan kasama si Department of Tourism (DOT) Regional Director Ma­ritess Castro, isinagawa ang rituwal sa tagay kasunod ng pagputol sa laso. 

Itinatampok sa festival ang mga produkto, talento, at kultura ng bawat bayan na may malaking ambag sa industriya ng niyog.

Ayon kay Gov. Tan, ang Niyogyugan ay hindi lamang pista, kundi isang pagkilala sa mga maniniyog na matiyagang bumubuo ng kabuhayan para sa kanilang pamilya at komunidad.

Bahagi ng selebrasyon ang paglulunsad ng Niyogyugan Foundation Scholarship Program, na layong magbigay ng edukasyon sa mga anak ng mga magsasaka at iba pang karapat-dapat na kabataan.

Upang masuportahan ang programa, limang porsyento ng kita mula sa bawat booth sa festival ay direktang mapupunta sa pondo ng foundation. Ibinebenta rin ang espesyal na Niyogyugan t-shirt, na simbolo ng pangarap ng mga magsasaka na maitaguyod ang edukasyon ng kanilang mga anak.

Tatagal hanggang sa August 19, 2025 ang festival kasabay ng ika-147 kaarawan ni dating Pangulong Manuel L. Quezon.