NTF-ELCAC, kinuwestiyon Party-List Seat ng Gabriela


Doris Franche-Borja — Pilipino Star Ngayon

September 17, 2025 | 12:00am

Nilabag ang Konstitusyon?

MANILA, Philippines — Nagpahayag ng matinding pag-aalala ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) hinggil sa desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) na iproklama ang Gabriela Women’s Party bilang ika-64 na kinatawan ng partylist sa Mababang Kapulungan, na maaaring lumabag sa hangganang itinakda ng Konstitusyon at makasira ng tiwala ng publiko sa mga demokratikong institusyon.

Sa isang mariing pahayag, binigyang-diin ni NTF-ELCAC Executive Director Ernesto C. Torres Jr. na malinaw na nililimitahan ng Konstitusyon ang bilang ng partylist seats sa dalawampung porsyento ng kabuuang miyembro ng Kamara.

Sa 317 na kasapi ng ika-20 Kongreso, ang pinakamataas na bilang ay 63. Ang paglikha ng ika-64 na upuan, ayon sa kanya, ay lumalampas sa pinahihintulutan ng batas.

“Hinahamon namin ang COMELEC na ipaliwanag kung paano tumutugma ang desisyong ito sa batayang batas na kanilang sinumpaang panatilihin, sapagkat ang paglabis sa itinakdang limitasyon ay naglalagay sa panganib ng integridad ng institusyon,” diin ni Torres.

Ang Gabriela Women’s Party, isang organi­sasyong may kaliwang paninindigan, ay may nakabinbing kaso ng diskwalipikasyon na inihain pa noong 2019.