NTF-ELCAC, suportado Terror Grooming Prevention Act


Doris Franche-Borja — Pilipino Star Ngayon

September 12, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Suportado ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang Senate Bill No. 1366 o Terror Grooming and Radicalization Prevention Act na inihain ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Inilarawan ng task force ang panukala bilang makapangyarihang depensa laban sa pinakamapanganib na sandata ng mga terorista, ang pag-groom sa mga maralita upang ipagkanulo ang kanilang kinabukasan.

“Ang unang biktima ng terorismo ay ang mga mahihina. Pinoprotektahan ng panukalang ito ang mga Pilipino laban sa mga bitag ng radikalisasyon, pinalalakas ang mga komunidad upang tanggihan ang manipulasyon, at nagliligtas ng buhay sa pamamagitan ng pagpigil sa pagrerekrut ng mga terorista,” ani NTF-ELCAC Executive Director Usec. Ernesto C. Torres Jr.

Binigyang-diin ng NTF-ELCAC na ang mga kabataang Pilipino, katutubo, magsasaka, at mga pamilyang nasa laylayan ng lipunan ang pangunahing target ng mga terorista na sinasamantala ang kahirapan, galit, at kawalan ng hustisya upang palakasin ang kanilang hanay.

Layunin ng panukala na tuluyang isara ang pintuan sa mga recruiter ng terorista sa pamamagitan ng maagang proteksyon at mga mekanismong na­kabatay sa komunidad, habang tinitiyak ang hustisya at rehabilitasyon para sa mga nabiktima ng panlilinlang ng mga ekstremista.