OFWs pinahihirapan ba sa OWWA scholarship?


Sana’y hindi totoo ang ilang reklamo na lumilitaw sa comment section ng opisyal na Facebook page ng Overseas Workers Welfare Administration kaugnay ng scholarship na iniaalok nito para sa mga overseas Filipino workers at sa kanilang mga anak o dependent. Ayon sa ilan, tila hindi patas o madali ang proseso. Masyado raw marami ang hinihinging requirements, ilang beses na silang nag-aaplay ngunit hindi pa rin natatanggap, at limitado lang ang mga slot na ibinibigay. May tanong din kung paano ang mga OFW na higit sa isa ang anak na kailangang pag-aralin—paano kung dalawa, tatlo, o higit pa? May nagtatanong din kung saan maaaring magsumite ng aplikasyon o kung nasaan mismo ang mga tanggapan ng OWWA. Isa pa sa mga iniaangal ay ang kawalan ng malinaw na paliwanag kung puwede bang mag-aplay mismo ang OFW, kung siya mismo ang gustong magpatuloy ng pag-aaral. Karaniwan, sinasagot ng page admin ang mga tanong na sana naman ay nakakatulong sa mga nagtatanong.

Mahalaga ang ganitong benepisyo para sa maraming OFW na umaasang makakatulong ito na mapagtapos nila sa kolehiyo ang kanilang anak o kapamilya na kadalasan ay isa sa mga pangunahing dahilan ng kanilang pangi-ngibang-bansa. Kaya tuwing may bagong anunsyo ang OWWA ukol sa scholarship, dagsa rin ang interes mula sa mga pamilya ng OFW. Matagal na ring programa ito ng ahensiya, bagaman may limitasyon sa bilang ng mga tinatanggap kada taon. Kamakailan ay may pahayag ang bagong pamunuan ng OWWA na plano nilang dagdagan ang mga slot.

Batay sa website ng OWWA, kabilang sa mga programang ito ang Education for Development Scholarship Program o EDSP na nagbibigay ng hanggang ?60,000 taunang scholarship grant sa isang kuwalipikadong dependent na kadalasan ay anak o ka-patid ng OFW na aktibong miyembro ng OWWA. Sakop nito ang buong apat hanggang limang taon ng isang baccalaureate course. Ang incoming college freshmen ay dumaraan sa pagsusulit ng Department of Science and Technology, at tanging unang 400 na makakakuha ng pinakamataas na scores ang napipili. May dagdag pang 600 slot para sa mga nasa kolehiyo na. Bukod dito, may OFW-Dependents Scholarship Program o ODSP na naglalaan ng ?20,000 financial assistance bawat school year para sa mga anak ng OFW na may buwanang kita na hindi lalampas sa US$600. Maaaring mag-aplay ang isang estudyante kahit pa-enroll pa lamang siya, kasalukuyang naka-enroll, o nasa mga susunod na taon ng kurso sa isang kolehiyo o pamantasan.

Meron ding Congressional Migrant Workers Scholarship Program o CMWSP na may ?60,120 grant para sa mga OFW o kanilang mga kaanak na nais kumuha ng kursong may kaugnayan sa agham at teknolohiya. Isa ito sa mga sinisikap palakasin ng OWWA.

Noong Hulyo 7, inanunsyo ng OWWA sa kanilang Facebook page na muling bukas ang aplikasyon para sa EDSP at ODSP para sa school year 2025–2026. Iniulat din ito ng The Sun, isang community news site para sa mga Pilipino sa Hong Kong. Nakasaad na ang aplikasyon ay tatanggapin mula Hulyo 16 hanggang Hulyo 31, 2025. Bagamat hindi ito lumabas pa sa mga pangunahing news outlet sa Pilipinas, ang pahayag ay makikita mismo sa opisyal na Facebook page ng OWWA at naka-link din sa kanilang website.

Kabilang sa mga pangunahing kundisyon para sa aplikante ang pagiging anak o ka-patid ng isang aktibong miyembro ng OWWA. Kung wala pang anak ang OFW ngunit may asawa, maaaring mag-aplay ang kanyang kapatid. Kailangan ding hindi hihigit sa 30 anyos ang aplikante, naka-enroll mula second hanggang fifth year sa kolehiyo, at may roong general weighted ave-rage na hindi bababa sa 85% para sa EDSP. Sa ODSP, kailangan lang ng passing grade na hindi bababa sa 75%, at may dalawang kategoryang sakop: mga incoming freshman na hindi lalampas sa 21 anyos, at mga estudyanteng kasalukuyang nasa kolehiyo, basta wala pang asawa at hindi hihigit sa 30 anyos. Dapat din ay ang OFW na magulang o kapatid ng aplikante ay may kita na hindi lumalagpas sa US$1,000 buwanan o katumbas nito.

Kasama sa mga dokumentong kailangang isumite ay birth certificate ng aplikante kung anak siya ng OFW, certificate of no marriage kung kapatid siya ng OFW, at declaration na walang anak na dependent ang OFW kung sakaling may asawa ito pero walang anak. Kinakailangan din ang dalawang 2×2 ID photo, kopya ng passport ng OFW, at contact information gaya ng email at cellphone number ng aplikante.

Pahabol na paalala rin ng OWWA, bago ka magpasa ng aplikasyon, siguraduhing ACTIVE ang OWWA membership ng iyong magulang o guardian na OFW!

Active member = Nakapagbayad mula July 16, 2023 hanggang July 16, 2025.

May anim na buwang grace period ang nag-expire ng July 17, 2025—pero dapat makapag-renew bago matapos ang application process!

Paano i-check ang status?  Bumisita sa pinakamalapit na OWWA Regional Welfare Office.  Kung nasa abroad, magtungo sa OWWA Overseas Office. Tandaan, tanging dependent ng active OWWA member lang ang maaaring mag-apply. Kaya siguraduhin mong updated ang records—baka ito na ang daan mo sa pangarap mong edukasyon!

Para sa application form, kumpletong listahan ng requirements, at karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang <https://scholarship.owwa.gov.ph>. Bukod dito, makikita rin sa website at Facebook page ng OWWA ang mga update at listahan ng mga regional o satellite offices nito na maaaring lapitan ng mga aplikante para sa personal na pagtatanong.

* * * * * * *  * *

Email- [email protected]