P1 milyong kailangan sa pagkumpuni ng BFAR vessel na binomba, ginitgit ng China


MANILA, Philippines — Inihayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na gagastos ang pamahalaan ng P1 milyong halaga para makumpuni ang nasirang research vessel na BRP Datu Sanday dahil sa water cannon attack ng China noong nakaraang linggo sa West Philippine Sea.

“Nagkaroon ng yupi sa unahan so definitely mangangailangan ito ng repair and it will cost us thousands of pesos.Thousands to a million ang puwedeng magastos natin sa pagkukumpuni ng barkong ito dahil sa danyos na natamo mula sa pambo­bomba ng Chinese Coast Guard,” ayon kay BFAR ­spokesperson ­Nazario Briguera.

Sa insidenteng nabanggit ay wala namang tauhan ng barko ang nasaktan at natapos ang kanilang research mission.

“Napakahalaga ng research mission dahil ito yung magbibigay sa atin ng mga datos kung ano ang ­kasalukuyang estado ng ating ­resources diyan lalo na sa mga cay na ito kung saan ­nangyari yung mga insidente,” dagdag ni Briguera.

Gayunman, sinabi nito na kahit may ganitong insidente ay ipagpapatuloy nila ang “Kadiwa ng bagong Bayaning Mangingisda” program na ang pamahalaan ay direktang bibilhin ang nahuling isda ng mga pilipinong nangingisda sa West Philippine Sea bilang tulong sa kanilang kabuhayan.q