P19.4 milyong puslit na yosi samsam sa Sultan Kudarat


John Unson — Pilipino Star Ngayon

December 4, 2025 | 12:00am

COTABATO CITY, Philippines — Nakumpiska nitong Linggo ng mga pulis at sundalo ang abot sa P19.4 million na halaga ng sigarilyong gawa sa Indonesia na natagpuang nakaimbak sa isang warehouse sa Barangay Wal sa Palimbang, Sultan Kudarat.

Sa ulat nitong Miyerkules ni Brig. Gen. Arnold Ardiente, director ng Police Regional Office-12, naisagawa ang matagumpay na anti-smuggling operation batay sa impormasyong ipinaabot ng mga residente ng Palimbang sa kanilang mga units hinggil sa pag-iimbak sa naturang warehouse ng ng 499 na malalaking kahon na naglalaman ng mga imported na sigarilyo.

Ayon kay Ardiente, magkatuwang sina Lt. Col. Gary Flor Marfil, hepe ng Palimbang Municipal Police Station, at Army 1Lt. Patrick John Pacres ng Charlie Company ng 37th Infantry Battalion sa pagpaplano ng naturang joint police-Army law-enforcement operation na nagresulta sa pagkakasamsam ng aabot sa P19.4-milyong halaga ng sigarilyong may iba’t ibang Indonesian brands na nakatago sa warehouse.

Ayon sa mga local officials sa Palimbang na nag-ulat sa pulisya ng kinaroroonan ng mga sigarilyong gawa sa Indonesia, mabilis na nakatakas ang mga nagbabantay sa warehouse, sina Benladin Usop at mga kasama, ng mapunang may papalapit na mga pulis sa kanilang kinaroroonan.