P242 bilyon ang utang ng gobyerno sa PhilHealth, hindi lang P60 bilyon


SAPOL — Jarius Bondoc — Pilipino Star Ngayon

October 14, 2025 | 12:00am

KULANG ang P60 bilyon na inanunsiyo ni President Bongbong Marcos na ibabalik ng gobyerno sa PhilHealth.

Dapat bayaran ang isa’t kalahating taong interes sa halagang ‘yon.

Ang taunang interes sa time deposit ng malalaking halaga ay 5 percent. Kung hindi kinuha ng gobyerno ang P60 bilyon natin, tumubo sana ‘yon ng P4.5 bilyon. Kaya ang dapat isoli sa atin ay total na P64.5 bilyon.

 Dapat din ibigay na ng gobyerno ang kabuoang P242.28-bilyong atrasadong obligasyon, kasama interes, sa PhilHealth.

Tayong 66 milyong direct contributors at dependents ang may-ari ng PhilHealth. Kasama natin ang 37 milyong maralita na tinutustusan ng gobyerno ang buwanang kontribusyon.

Mula 2019 wala pang naiambag ang Pagcor at Philippine Charity Sweepstakes Office sa PhilHealth. Nu’ng 2025 zero, imbis na P74 bilyon, ang mula sa sin taxes.

Lumobo na sa P242.28 bilyon ang atraso ng gobyerno. Ang balak lang ibigay sa 2026 ay P53 bilyon. Aba, interes pa lang ‘yan sa anim na taon na pinatubuan ng gobyerno ang P242.28 bilyon natin.

Takda ng 2019 Universal Health Care Act ang hulog ng gobyerno para sa mga maralitang kasapi. Limampung porsiyento ito ng kabuoang nire-remit ng Pagcor at PCSO sa gobyerno taun-taon.

Takda rin ng Sin Tax Law ang dagdag na hulog ng gobyerno para sa maralitang kasapi. Apatnapung porsyento ito ng buwis sa tobacco at matatamis na inumin.

Dapat ipakulong ang mga appointees ng Malacañang sa PhilHealth board na dumidal ng pera natin.

Nilabag nila ang Corporation Law. Tungkulin ng board directors alagaan ang pera ng shareholders. Hindi dapat ito pinaglalaruan para sa interes ng sinumang makapangyarihan.