P300 milyon talo sa casino ng DPWH engineer — Lacson


Malou Escudero — Pilipino Star Ngayon

September 2, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Ibinunyag ni Sen. Panfilo Lacson na isang engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan na nakapagpatalo ng P300 milyon sa casino gayong P50,000 kada buwan lamang ang suweldo.

“At least two district engineers and a minor functionary sa Bulacan who are big time gamblers in one of the casinos here. And the two of them, as per my information used aliases, they hid their true identities, gumamit ng fictitious names,” ani Lacson.

Base rin aniya sa record, natalo ang isa ng nasa P300 milyon at yung isa mahigit P300 milyon.

“And these are salary grade 19 officials, being district engineer, and the other one is even occupying a lower position.”

Sa tanong ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito, umamin si dating Bulacan First Engineering District Office official Henry Alcantara sa kanyang “kapabayaan” sa pag-apruba ng mga maanomalyang flood control projects at umamin sa pagpasok sa mga casino sa kabila ng pagiging opisyal ng gobyerno.

Pinuna rin ni Ejercito ang umano’y labis na pamumuhay ni Alcantara at ng kanyang mga kahalili, mga district engineer na sina Brice Hernandez at JP Mendoza, na binanggit ang mga ulat ng kanilang mga mamahaling ari-arian, hindi regular na oras ng trabaho, at madalas na pagbisita sa mga casino.

“How can a District Engineer afford that kind of lifestyle? Nakita ang relo, naka-Patek Philippe. May information tayo pumapasok daw ito ng naka-Ferrari pa,” ani Ejercito.