December 26, 2025 | 12:00am
COTABATO CITY, Philippines — Isang lalaking dealer ng mga paputok at fireworks ang nakumpiskahan ng hindi bababa sa P500,000 na halaga ng kanyang ibinebentang produkto na walang pahintulot mula sa pamahalaan sa isang police operation sa Nuñez Extension sa Barangay Camino Nuevo sa Zamboanga City nitong hapon ng Miyerkules, December 24.
Kinilala ang inarestong negosyante na si Larry Tan Nebres, Jr. matapos mabilhan ng mga poseur buyer sa isang entrapment operation sa Barangay Camino Nuevo.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Huwebes ng mga officials ng Zamboanga City Police Office at ng Police Regional Office 9, naikasa ang naturang matagumpay na public safety mission na nag-resulta sa pagkaaresto kay Nebres, dahil sa ulat sa kanyang illegal na pagbebenta ng fireworks at firecrackers sa naturang barangay.
Ayon sa mga local executives at officials ng Police Regional Office 9, si Nebres ay walang permit sa pagbebenta ng firecrackers at fireworks mula sa local government unit ng Zamboanga City at mga government line agencies na nagpapatupad ng mga regulasyon hinggil sa pagbebenta ng mga ganoong delikadong produkto.
Ayon sa mga kinauukulan, malinaw na nilabag ni Nebres ang Republic Act 7183 na siyang batayan ng legal na production at pagbebenta nito sa lahat ng rehiyon sa bansa.