P6.8 milyong shabu samsam sa dayo sa Maguindanao del Norte


John Unson — Pilipino Star Ngayon

August 13, 2025 | 12:00am

COTABATO CITY, Philippines — Dalawang dealer na dayo sa probinsya ng Maguindanao del Norte ang nakunan ng P6.8 million na halaga ng shabu sa isang entrapment operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Lunes.

Hindi na pumalag pa sina Kintang Badal, 27-anyos, at ng kanyang 26-anyos na kasabwat na si Alinor Inidal ng arestuhin ng mga operatiba ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region na kanilang nabentahan ng isang kilong shabu sa isang lugar sa Purok Nursery sa Barangay Making sa Parang, Maguindanao del Norte.

Sa mga hiwalay na ulat nitong Martes ng PDEA-BARMM at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, si Badal ay taga Talitay sa Maguindanao del Sur habang si Inidal naman ay residente ng Kabacan, Cotabato. Parehong malayo ang kanilang mga bayan sa Parang, kung saan sila nalambat at nakunan ng P6.8 million na halaga ng shabu.

Ayon kay Gil Cesario Castro, director ng PDEA-BARMM, suportado mga unit ng PRO-BAR, pinamumunuan ng kanilang regional director, si Brig. Gen, Jaysen De Guzman, at ng Marine Battalion Landing Team-2 and entrapment operation na nagresulta sa pagka-samsam  mula sa dalawang suspek ng isang kilong shabu. 

Nakadetine na ang dalawang suspek, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ayon kay Castro.