Paano manatiling  tapat? | Pilipino Star Ngayon


Pilipino Star Ngayon

August 22, 2025 | 12:00am

Dear Dr. Love,

Ako po si Haitz, dalaga na kasalukuyang may karelasyon. Mahal ko po ang aking boyfriend. May na-reveal po sa akin na lihim na manliligaw. Matagal na pala siyang may gusto sa akin. Sinabi niya, handa siyang gawin ang lahat para maagaw ako sa aking boyfriend.

Nalilito po ako, Dr. Love. Bagama’t hindi ko siya sinasagot at wala akong balak ipagpalit ang boyfriend ko, minsan ay naaapektuhan ang isip at damdamin ko sa mga matatamis na salita at pangako niya. Natatakot po ako na baka sa bandang huli ay makaapekto ito sa relasyon naming magkasintahan. Ayokong masira ang tiwala sa akin ng boyfriend ko, pero hindi ko rin alam kung paano ko itutulak palayo nang tuluyan ang taong ito na pilit na kumakapit.

Ano po ba ang dapat kong gawin para manatiling tapat sa aking karelasyon at maputol ang anumang posibilidad na masira ang aming relasyon dahil sa taong ito?

Haitz

Dear Haitz,

Ang tunay na pagmamahal ay sinusukat sa katapatan, hindi sa rami ng mga humahanga sa iyo. Kung mahal mo ang iyong boyfriend at pinahahalagahan mo ang relasyon ninyo, dapat malinaw sa’yo ang iyong paninindigan.

Ang pinakamabuti mong gawin ay ma-ging diretso at malinaw sa lihim na manliligaw. Sabihin mo sa kanya na may mahal ka na at hindi mo siya kailan man magugustuhan sa paraang inaasahan niya. Huwag mong bigyan ng kahit kaunting espasyo ang maling pag-asa—dahil kahit simpleng pakikipag-usap o pakikisama ay maaari niyang bigyang-kahulugan. Tandaan mo, kung tunay kang tapat, walang makakaagaw sa iyo.

DR. LOVE