Pabahay project ni Vico Sotto, napako!


Anyare sa housing program ni Pasig City Mayor Vico Sotto? Patapos na ang second term niya sa darating na June 2025 subalit ni isang poste sa pangako niyang pabahay ay wala pang naitayo. Nasa drawing board pa kaya ang pangakong ito? Tsk tsk tsk!

Sa biglang tingin kasi, kumpleto-rekado na itong pama­mahala ni Vico sa Pasig City at maraming Pinoy ang huma­nga sa liderato niya. Kaya’t buong pagyayabang ng sikat na ama niya na si Vic Sotto na host ng Eat Bulaga, na si Vico na ang “next president ng ‘Pinas” dahil sa maraming accomplishments niya. Puwede naman, di ba?

Kaya lang dapat sagutin ni Vico ang katanungan ng Pasi­gueños dahil tiyak uungkatin sa kanya ito tuwing mag-iikot siya sa mga laylayan, danger zones at waterways ng siyudad sa panahon ng kampanya. Mismooo! Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?

Sa pagtakbo niya sa unang termino noong 2019, tahasang ibinando ni Vico ang maambisyong programa niya na pabahay upang makinabang ang mga nakatira sa laylayan ng lipunan, pati ang pamilyang nakatira sa danger zones at waterways.

Subalit hanggang ngayon, hindi tumatakbo ang proyekto. Inamin ni Vico na maraming problemang kinakailangan munang resolbahin ng liderato niya bago maumpisahan ang pabahay program, tulad ng land acquisition. May punto si Vico di ba mga kosa?

Kasi nga tulad ng mga ambisyosong program ng gobyerno ni President Bongbong Marcos, ang land acquisition ang pa­laging problema. Mismooo! Kailangan munang bilhin ang lupa kung saan itatayo ang mga bahay. Anong sey mo Boss Andi Naus Sir? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!

May dalawang housing program ang city government ng Pasig—ang Zero ISF (informal settler families) program sa Barangay Kalawaan at ang in-city relocation project sa Barangay Santolan.

Ang mga pabahay ay ipamimigay sa mga pamilyang na­katira sa danger zones sa Westbank at Manggahan Floodway. Kasama rin sa mga makatatanggap ng pabahay ay ang mga residenteng nakatira sa Barangay Santolan, partikular ang nakatira malapit sa Marikina River na maapektuhan ng revetment wall project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nung isang taon, nakipag-partner si Vico sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) para makasama ang mga housing programs ng city government sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) program ng national government. Marami pala ang makikinabang sa housing program na ito. Tumpak!

Noong nakaraang Pebrero, nagkaroon ng konsultasyon sa pagitan ng city government at mga stakeholders, tulad ng Pasig Urban Settlements Office (PUSO), contractors at Homeowners Association para sa Daang Banca relocation project

May partnership na rin sa DHSUD at may konsultasyon pa. Pero nasaan na ang libreng pabahay?

Unang ipinangako ang libreng pabahay noong 2019. Walang nangyari rito. Humingi ng karagdagang tatlong taon si Vico noong 2022 para matupad ang kanyang pangako. Subalit patapos na ang kanyang second term at nasa drawing board pa rin ang mga pabahay project? Drawing na pangako? Araguyyy!

Kapag naging Presidente ng ‘Pinas si Vico, ang mga pangako niya ay mapapako?