Pacquiao suportado ng JIL | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — Pormal nang inendorso ng Jesus Is Lord (JIL) Church, sa pangunguna ni CIBAC Partylist Rep. Brother Eddie Villanueva, ang senatorial comeback bid ni dating Senador Manny Pacquiao, na nagpapatatag ng lumalagong suportang Kristiyano sa likod ng kanyang kandidatura para sa 2025 midterm elections.

Ang pag-endorso ay matapos ihayag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, sa isang press briefing kamakailan ng «Kapihan sa Senado», na ang pamunuan ng JIL Church ay pinag-isipan ang mga endorsement para sa mga piling kandidato sa pagkasenador. Bukod kay Pacquiao, kasama sina Tito Sotto, Pia Cayetano, Ping Lacson at Kiko Pangilinan, na ayon kay Senador Villanueva ay may espesyal na lugar sa komunidad ng mga Kristiyano si Pacquiao, dahil sa kanyang pampublikong pagpapahayag ng pananampalataya at pagbabago ng buhay. «Manny has been an inspiration to many. His journey from hardship to heroism, and from the ring to the halls of congress, reflects the kind of moral leadership our country needs,» ani Villanueva. Bilang tugon, pinasalamatan ni Pacquiao ang JIL Church sa pagtitiwala nito at nangakong kampeon ang mga layuning nagpapakita ng mga pagpapahalagang Kristiyano, katarungang panlipunan, at pambansang pag-unlad.

«I am humbled by the endorsement of JIL and Brother Eddie. I will Continue to fight for the poor, defend the truth, and serve the Filipino people with integrity,» ani Pacquiao. Sa malawak na network ng mga kongregasyon ng JIL Church na may humigit-kumulang 3 milyong miyembro sa Pilipinas at sa ibang bansa, ang pag-endorso na ito ay inaasahang magbibigay ng malaking tulong sa pagka-senador ni Pacquiao habang papalapit na ang panahon ng halalan.