Pag-auction sa 100,000 metriko toneladang bigas, iniutos ni Marcos


Gemma Garcia — Pilipino Star Ngayon

August 29, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglalabas ng may 100,000 metriko toneladang bigas para patatagin ang supply at palakasin ang seguridad ng pagkain sa bansa.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, sa pamamagitan ng auction, ay maglalabas ang Department of Agriculture (DA) ngayong linggo ng tinatayang 1.2 milyon bags o tinatayang 100,000 metric tons ng local rice.

“Inaasahang aabot sa P25 to P28 per kilo ang floor price ng bigas, depende sa edad nito. Layunin din ng auction na paluwagin ang mga bodega para makapag-imbak pa ng karagdagang supply ng bigas — ibig sabihin lamang nito ay maganda ang ani ng ating mga magsasaka,” ayon pa kay Castro.

Inanunsiyo din ng opisyal ang paglalabas ng hindi pa matiyak na dami ng bigas para mapalawak ang programa ng administrasyong Marcos na “Benteng Bigas, Mayroon na” kung saan pinapayagan ang mga benepisyaryo na bumili ng P20 kada kilo ng bigas.

Sa gitna naman aniya ng planong paglalabas ng bigas, ay itutuloy ng pamahalaan ang pag-monitor sa presyo nito para maprotektahan ang consumers at farmers mula sa mapagsamantalang indibidwal.

Nakikipag-ugnayan na rin ang DA sa mga magsasaka, millers at traders para mapigilan ang price manipulation at mapanatili ang market stability bilang paghahanda sa rice import ban.