Pagbabalik ni Lacson | Pilipino Star Ngayon


BANAT NI BATUIGAS — Bening Batuigas — Pilipino Star Ngayon

October 25, 2025 | 12:00am

MATUNOG na babalik si Sen. Panfilo Lacson bilang chairman ng Blue Ribbon Committee. Sa pagbabalik ni Lacson, masasabi kong masalimuot para sa kanyang mga kapwa mambabatas dahil nagpa-una na si Lacson na wala siyang sasantuhin. Siguradong mahuhubaran ng maskara ang mga ito.

Kaya maraming nag-aabang sa pagbabalik ni Lacson. Kapana-panabik ang mga kabanata sa pagbabanggaan ng maka-administrasyon at maka-Duterte. Kabilang na rito ang party-lists na dikit sa nagtatagong dating Rep. Zaldy Co na susi sa maanomalyang flood control project ng  DPWH.

Samantala nagkanya-kanya munang pangangalampag­ sa gobyerno ang iba’t ibang sektor dahil pa rin sa katiwalian, korap­­siyon at sa kasakiman ng ilan sa mga halal o na-appoint na opisyal. Ang mga estudyante sa ngayon ay nagsa­sagawa ng pag-aklas sa pamamagitan nang pagsasagawa ng kilos pro­testa sa pamamagitan nang paglabas ng kanilang silid-aralan upang ipa­malas sa pamahalaan at sa mga mambabatas ang kanilang galit sa mga magnanakaw ng pondo na laan sa flood control project at iba pang mga proyekto para sa mga naghihikahos na mga Pilipino.

Malaking insulto sa bawat Pilipino na nagbabayad ng buwis ang mga natuklasang ghost, overpriced at sub-standard infra projects ng DPWH. Bilyun-bilyong piso ang pumasok sa mga bulsa ng kawatan.

Samantala, nasaan na si Zaldy Co na nagbitiw bilang kinatawan ng Ako Bicol Party-list sa Kamara? Siya ang itinu­turong nakinabang sa mga sinasabing anomalya. Bulung-bulungan na may ilan pang party-list na dikit kay Co ang hindi napapansin.

Kung talaga raw sinsero at desidido ang gobyerno sa kam­panya kontra katiwalian, dapat ay bigyan-pansin din daw ang ang United Senior Citizens, WiFi, at BHW party-list groups dahil baka nagamit din ang mga nabanggit na sectoral representations.

Kung magbabalik na nga Lacson sa Blue Ribbon baka naman maisama na ito sa mga bagong sinisilip. Ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaya maaari itong bigyan ng pansin?