Pagbili ng P10/kilo sa basura, itinulak


Joy Cantos — Pilipino Star Ngayon

August 18, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Sa halip na itinatapon kung saan-saan, iminungkahi ni House Committee on Metro Manila Development at Caloocan City Rep. Dean Asistio na bilhin na lang ito ng P10 kada kilo.

Ipinaliwanag ni Asistio, na ang kanyang konseptong “kita sa basura” ay sa pamamagitan ng pagbili ng LGUs sa basura ng mga residente sa kanilang lugar para i-recycle.

Maisasakatuparan ito sa pamamagitan ng paghahain ng City Ordinance ng isang LGU para hikayatin ang mga mamamayan sa kanilang lugar na ipagbili ang kanilang mga basura.

Partikular na tinukoy ni Asistio ang mga residente malapit sa mga waterways o ilog na madalas pagtapuan ng bulto-bultong dumi na pinagmumulan ng matinding pagbaha hindi lamang aniya sa Metro Manila kundi maging sa mga karatig nitong lugar.

Binigyang diin pa ni Asistio na ang pangunahing dahilan ng mala-dagat na pagbaha sa Kalakhang Maynila ay ang kawalang displina ng mga mamamayan na walang habas na tinatapon-tapon kung saan-saan ang kanilang mga basura.

Naniniwala ang solon na ang pagbibigay ng reward o monetization sa basura ang posibleng magsilbing solusyon sa matagal ng problema ng tambak na basura at pagbaha.