November 27, 2025 | 12:00am
Isang kakaiba at “nakadidiring” kaso ng pagnanakaw ang gumulantang sa Gifu City, Japan, matapos madiskubreng nawawala ang dose-dosenang rubber fixtures mula sa mga inidoro ng isang event hall.
Ayon sa ulat, napansin ng mga cleaner sa OKB Fureai Kaikan na tinanggal at tinangay ang may 63 piraso ng goma na nagsisilbing buffer sa mga toilet seats.
Ang pagnanakaw ay nakaapekto sa 20 magkakaibang toilets sa men’s at multi-purpose restrooms.
Tinatayang nasa 60,000 yen (katumbas ng mahigit 23,000 pesos) ang kabuuang halaga ng mga ninakaw na goma.
Agad na naghain ng police report ang pamunuan ng gusali at nagdagdag ng seguridad.
Gayunman, lito ang mga awtoridad at maging ang mga netizen kung ano ang motibo ng magnanakaw.
Palaisipan kung saan gagamitin o kung may bibili ba ng mga gamit ng goma ng inidoro.
May kaunting irony naman sa insidente: ang gusali ay katabi mismo ng showroom ng Toto, ang pinakasikat na toilet maker sa Japan, kaya madali lang silang makakabili ng replacement parts.