MANILA, Philippines — Binatikos ni Nueva Ecija 3rd District incumbent Congresswoman Rosanna “Ria” V. Vergara ang aniya’y tila pagmamalabis sa tungkulin at lantarang pagkiling umano ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) pabor sa mga kumakandidatong pamilya ni Nueva Ecija Gov. Aurelio “Oyie” Umali.
Sa isang sulat na ipinadala ni Vergara kay PNP Chief P/BGEN Rommel Francisco D. Marbil noong Marso 27, 2025, ibinunyag nito ang umano’y harap-harapang political partisan activities na pinaiiral ng kasalukuyang Provincial Director ng PNP-Nueva Ecija na si PCol.Ferdinand D. Germino.
Inilahad ng kongresista ang ilang beses na insidente ng umano’y panghaharas ng mga pulis sa mga supporters at lider ng kanyang asawang kumakandidato sa pagka-kongresista sa ikatlong Distrito na si Cabanatuan City incumbent Vice Mayor Julius Cesar V. Vergara.
Ayon sa kongresista, hinaharang ng mga pulis ang biyahe ng mga jeep sa kanilang distrito lalo na kung identified ang mga ito na kaalyado at suporters ng mga Vergara. Pinapaboran aniya ng mga pulis ang mga kaanak na kandidato ni Nueva Ecija Governor Aurelio Umali partikular ang asawa nitong si Cherry Umali na kalaban sa pagka-kongresista ni Jay Vergara sa ikatlong distrito, habang ang kapatid naman ng goberbador na si Anthony Umali ay kumakandidatong alkalde ng Cabanatuan City at makakatapat ang incumbent mayor ng siyudad na si Myca Vergara.