February 16, 2026 | 12:00am
SA loob ng Bureau of Customs, matagal nang bulong-bulungan ang salitang undervalue, lagay, at palusot. Pero ngayon, mismong sa loob ng tinatawag na Paircargo, tila hindi na bulong kundi sigaw ng lantaran umanong kalakaran.
Ayon sa mga asset ng ORA MISMO, tila nagmistulang tambakan ng mga tinaguriang “buraot” ang nasabing bodega. Bakit? Dahil umano sa dagsa ng undervalued imported shipments na mabilis na nailalabas basta’t may “pantapal” sa kamay ng ilang korap Customs dito. Ang siste raw may problema ang shipment? Kulang sa papeles? Mababa ang declared value? Walang aberya basta may pang-abot.
Ganito raw ang galawan kapag may shipment na sabit sa assessment o red flag sa valuation, may mga fixer con buraot na agad lalapit. Ang linya “Kaya ‘yan.” At sa likod ng “kaya ‘yan” ay ang presyuhan. Kapag nagkasundo, biglang bibilis ang proseso. Parang may VIP lane ang may kapal ng sobre.
Mas matindi pa rito, isang alyas “Irene” diumano ang sinasabing nagbibigay ng basbas sa mga galawan dito basta’t kasama siya sa “nilalagom” na pera mula sa mga sindikato sa loob.
Kapag wala raw siya o bukol sa hatian, hindi uusad o matutulog muna sa pansitan ang transaksyon. Kung kasama siya, tuloy ang ligaya. Ganyan katapang ang alegasyon.
Kung totoo ang mga impormasyong ito, malinaw na hindi lang ito simpleng katiwalian isa itong sistemang parang may basbas ng katahimikan. Dahil kung walang proteksyon, bakit tuluy-tuloy? Kung walang nakikinabang sa itaas, bakit walang natitinag?
Ang masakit dito, ang undervaluation ay hindi simpleng papel lang. Bilyong piso ang nawawala sa gobyerno dahil sa mababang deklarasyon ng halaga ng imported goods. Ibig sabihin, bawas ito sa pondo para sa ospital, eskwelahan, at serbisyong panlipunan. Ang talo? Taumbayan!
Habang ang maliliit na negosyante ay dumadaan sa tamang proseso at nagbabayad ng tamang buwis, may ilan umanong nagpapalusot sa likod ng warehouse doors. Hindi patas. Hindi makatarungan. At lalong hindi katanggap-tanggap kung totoo ang bulungan?
Hindi ito personalan. Hindi ito paninira. Ito ay panawagan ng paglilinis. Kung walang katotohanan ang mga alegasyon, panahon na para maglabas ng malinaw na paliwanag ang pamunuan ng Bureau of Customs. Magsagawa ng imbestigasyon. Ilabas ang records. Ipakita ang audit trail. Patunayan na hindi sila bulag, pipi, at bingi.
Pero kung may katotohanan aba’y panahon na para magbakbakan sa loob. Hindi literal, kundi sa antas ng disiplina at pananagutan. Suspendihin ang dapat suspendihin. Kasuhan ang dapat kasuhan. Putulin ang sungay ng sindikato.
Dahil kung mananatiling bodega ng umano”y milagro ang Paircargo, lalong lalakas ang loob ng mga buraot. At kapag lalong lumakas ang loob nila, lalong lulubog ang bayan.
Panahon na para ipakita na hindi lahat nabibili. Panahon na para iparamdam na may natitira pang dangal sa serbisyo publiko.
Kailangan magmonitor ang mga bodega sa NAIA ng Presidential Anti-Organized Crime Commission(PAOCC) dahil hindi biro ang diumano’y korapsyon dito.
Disklaymer: Ang artikulong ito ay isang opinyon batay sa mga impormasyong nakalap mula sa mga source at hindi pa napapatunayan sa pormal na imbestigasyon. Ang paggamit ng alyas ay upang protektahan ang identidad ng mga nabanggit. Inaanyayahan ang kinauukulan na magbigay ng kanilang panig para sa patas at balanseng talakayan.