Dear Dr. Love,
Bakit ang hirap umalis sa taong hindi naman sigurado sa’yo? Kahit alam mong napapagod ka na, umaasa ka pa rin na baka isang araw piliin ka rin niya nang buo. Pagod na ako sa kakaasa. Pero madalas ay hindi ko na maintindihan ang sarili kung bakit hindi ako makahakbang palayo, sa kabila nang lahat ng disappointment. Kahit sa maraming pagkakataon na kami nga, pero parang ako lang mag-isa. Kung minsan naiisip ko, may gusot sa relasyon namin, pero baka nagkakaroon na rin ako ng diperensiya dahil sa stand ko sa pagitan namin. Pagpayuhan n’yo po ako kung ano ang tamang gawin, dahil kahit ako sa sarili ko, nahihirapan kung paano magkakaroon ng kapanatagan ang kalooban ko.
Mariz
Dear Mariz,
Wala kang diperensiya, huwag mong pag-isipan ng hindi maganda ang iyong sarili. Dahil kung tutuusin, dakila ang pagpapahalaga mo sa relasyong meron ka, kahit nagmumukha ka na lang mag-isang inilalaban ito.
Alam mo, kahit gaano kaapaw ang tubig sa balon, darating ang araw na matutuyo ito kapag patuloy na patapon ang paggamit at hindi pinahahalagahan. Relate ako na hindi talaga madali ang situwasyon mo ngayon, pero nakakatiyak ko na hindi ‘yan permanente sa buhay mo.
Kailangan mo lang ay malinawan at sa puntong dilat na ang paningin mo ay magkaroon ka ng stand para sa iyong sarili.
Tandaan mo, ang relasyon ay inspirasyon at tulay para ang sinumang involve ay lumago., at hindi para mapuno ng worry. Ang payo ko, bigyan mo muna nang puwang ang heart to heart talk sa iyong partner. Kung wala pa rin, marahil sign na ‘to para pakawalan mo ang sarili mo at magkaroon ng pagkakataon na makilala mo ang taong pahahalagahan ang oras at atensiyon mo. Isaisip mo, na hindi mo kailangang manlimos ng oras, effort, o assu-rance sa tamang tao.
Dr. Love