COTABATO CITY, Philippines — Apat na hinihinalang dealers ng marijuana at shabu, tatlo sa kanila mga babae na magkasabwat sa pamamalakad ng isang tagong drug den, ang nalambat ng mga anti-narcotics agents sa isang entrapment operation sa Barangay Kalawag 1 sa Isulan, Sultan Kudarat nitong gabi ng Huwebes.
Kinumpirma ng mga officials ng local government unit ng Isulan at ng mga kasapi ng kanilang multi-sector municipal peace and order council ang pagkaaresto sa naturang entrapment operation kina Albert Salcedo Guardiana, 41-anyos, Maria Fe Blongo Yungal, 34-anyos, Mary Grace Afang Ganlan, 30-anyos, at ang 24-anyos na si Aira Faith Fanulan Ofong, lahat ng nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa ulat nitong Sabado ni Charlene Magdurulang, director ng Philippine Drug Enforcement Agency 12, agad na inaresto ng PDEA 12 agents at ng mga pulis ang apat matapos silang bentahan ng shabu mismo sa kanilang drug den sa Purok Masagana sa Barangay Kalawag 1 sa Isulan nitong Huwebes ng gabi.
Nakunan sa naturang entrapment operation ng P34,000 na halaga ng shabu ang apat na suspects at ng mga mobile phones na may mga numero ng kanilang mga contacts sa Isulan at mga karatig na bayan sa Sultan Kudarat.
Magkatuwang na naikasa ng PDEA 12 at ng mga operatiba ng iba’t-ibang units ng Police Regional Office 12 sa Sultan Kudarat ang entrapment operation batay sa ulat ng mga confidential tipsters hinggil sa pagsasagawa nila Guardiana, Yungal, Ganlan at Ofong ng pot sessions sa kanilang drug den sa Purok Masagana sa Barangay Kalawag 1 para sa mga bumibili sa kanila ng shabu at marijuana.
Hindi na pumalag ang apat ng arestuhin ng mga PDEA agents at mga pulis na nakabili sa kanila ng shabu mismo sa kanilang drug den na tuluyang naisara na, guwardiyado na ng mga barangay officials at mga traditional community leaders sa Isulan, ang kabisera ng Sultan Kudarat, isa sa apat na probinsya sa Region 12.
Sa bansa, ang drug den operation ay isang non-bailable criminal offense.
