Lalaki arestado sa aktong pagsunog sa bahay ng kaanak


Ludy Bermudo — Pilipino Star Ngayon

September 26, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang lalaki nang arestuhin ng mismong kaanak at taumbayan sa aktong sinusunog ang tinitirhang bahay, sa Antipolo City, nitong Huwebes.

Sa ulat ng Antipolo Component City Police Station, si alyas ­“Mariano”, ay nahaharap sa reklamong simple arson o paglabag sa Presidential Decree 1613 (Anti-Arson Law).

Sa ulat, dakong alas-9:00 ng ng gabi nang sunugin ng suspek ang basement ng bahay ng kamag-anak na kanyang tinutuluyan.

Sa reklamo, napansin ng may-ari ng bahay na maraming usok ang nagmumula sa kanilang basement kung saan nakatira ang suspek at doon din umano nakalagay ang kanyang mismong mga gamit.

Nang bisitahin ang basement ay naabutan na sinisilaban ng suspek ang bahagi ng basement na nagdulot din ng tension sa mga katabing bahay ang pangyayari.

Agad tumawag sa “911” ang complainant habang ang mga tanod ng sitio at mga kapitbahay ay natulong-tulong umano na apulahin ang apoy.

Sa pagresponde ng mga pulis at tanod ay agad na inaresto ang suspek na kasaluku­yang nakapiit sa custodial facility ng Antipolo CCPS.