Off-duty cop, utas sa ambush sa Cotabato


John Unson — Pilipino Star Ngayon

September 27, 2025 | 12:00am

COTABATO CITY, Philippines —  Patay ang isang pulis na off-duty matapos na tambangan at pagbabarilin sa Barangay Taluntalunan, Makilala, Cotabato nitong Huwebes,

Ayon sa mga opisyal ng Cotabato Provincial Police Office at barangay, dead-on-the-spot ang biktima na kinilalang si Police Staff Sergeant David Lopez De Jose, nakatalaga sa Makilala Municipal Police Station.

Sa imbestigasyon, minamaneho ni DE Jose ang kanyang pick-up type multicab sa nasabing lugar nang bigla siyang pagbabarilin ng mga lalaking nakasakaya ng green Toyota Vios car na may plakang MJT 3782.

Lumalabas na agad nasawi sa pananambang ang nasabing pulis dahil sa dami ng tamang bala na kanyang tinamo.

Matapos na makitang napuruhan ang pulis, mabilis na tumakas ang mga suspek sa ‘di batid na direksyon.

Rumesponde naman sa nasabing lugar ang mga pulis at barangay officials at nadatnan nila ang biktima na nakalugmok sa steering wheel ng kanyang sasakyan at wala nang buhay.

Si De Jose ay kilala sa bayan ng Makilala dahil sa aktibo nitong partisipasyon sa peacekeeping activities ng mga barangay at sa anti-narcotics operations sa nasabing bayan.

Iniutos na ni Brig. Gen. Arnold Ardiente, director ng Police Regional Office-12, sa mga opisyal ng PRO-12 units sa Cotabato na makipagtulungan sa mga barangay leaders sa Makilala sa pagtukoy sa mga killers ni De Jose upang masampahan ng kaukulang kaso.